NAGBITIW si Senador Juan Miguel Zubiri bilang pangulo ng Senado at pinalitan ni Senador Francis “Chiz” Escudero.
Sa kanyang privilege speech, namaalam si Zubiri sa kanyang mga kasamahan bilang pangulo ng Senado at sinabi na ang simpleng hindi pagsunod sa utos ang nakikita niyang dahilan kung bakit siya naalis sa pwesto.
Bago ito, napaulat na 15 senador ang buboto para mapatalsik si Zubiri sa kanyang pwesto.
Pero sa sesyon nitong Lunes, walang tumutol nang i-elect ni Senador Alan Peter Cayetano si Escudero bilang bagong pangulo ng Senado.
Nanumpa si Escudero habang kasama ang misis na si Heart Evangelista. Si Senador Mark Villar ang nangasiwa ng oath taking.
“I fought the good fight. If I have ruffled some feathers in doing so, if I have upset the powers that be, then so be it,” sabi ni Zubiri sa kanyang talumpati.
“I leave with my head held high, knowing I did what is right for the Senate and for the nation,” dagdag pa nito.
Sa kanyang talumpati, nagpahayag naman si Escudero ng pag-asang susuportahan siya ng dating lider.