SINAMPAHAN na ng reklamong syndicated estafa sa Department of Justice (DOJ) ang vlogger na si Yexel Sebastian na, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), ay nakatangay ng P50 bilyon sa kanyang “junket investment scam.”
Sa ulat, umabot sa 30 katao ang nagsampa ng reklamo laban kay Sebastian na nahaharap din sa paglabag sa Securities and Regulation Code. Kabilang sa mga nagrereklamo, na hindi pinangalanan, ay mga overseas Filipino worker, empleyado, politiko, celebrities, at negosyante.
Ayon kay NBI Fraud and Financial Crimes Division Chief Palmer Mallari, marami pa silang inaasahan na magsasampa ng kaso laban kay Sebastian.
“Ang amount na involved dito from the last time na nagkaroon kami ng computation umaabot na ng P50 billion,” ani Mallari. Dagdag ng opisyal, napag-alaman na walang secondary permits sa Security and Exchange Commission (SEC) si Santiago, na pinapirma rin ang mga investor ng “loan agreements” upang palabasin na utang at hindi investment ang nakuha niya sa mga biktima.
“We are being sustained by the revised securities and regulation code na any evidence of indebtedness is also a form of security. So dito maliwanag na may na-commit na syndicated estafa. Hindi kunwari investment ang tinanggap, kundi gumawa ng pagkakautang ang kumpanya sa mga tao na kanilang nabiktima,” punto niya.
Sa kasalukuyan ay inaalam pa ang pinagtataguang bansa ng blogger. “We will be utilizing that process of the law para mahuli sila. We will also be filing a potential case of violation of the anti-money laundering case,” paniniyak ni Mallari.