NANGHIHINAYANG ang TV host na si Willie Revillame dahil ngayon lang niya nakilala nang personal si dating Vice President Leni Robredo.
Sa isang episode ng kanyang show na “Will to Win,” ikinuwento ni Willie na personal siyang nagpunta sa Naga City para ibigay ang P3 milyong donasyon para sa mga taga-Bicol na nasalanta ng bagyong Kristine.
Nagpasalamat naman si Leni kay Willie dahil sumadya pa ito sa kanilang lugar para makita ang sitwasyon ng mga biktima ng bagyo.
Ayon sa dating Vice President, ipadadala na lang nila ang resibo ng donasyon ni Willie pero tumanggi ang huli.
“Bawal ‘yon sa amin kasi ina-account po namin lahat,” sambit ni Leni kay Willie.
Kuwento ni Willie, na-realize niya sa pagkikita nilang iyon ni Leni na marami ang nagmamahal sa huli dahil sa mga simpleng katangian nito.
“Alam n’yo si Vice President Leni, parang napakasarap yakapin na isang ina,” sambit ng TV host.
“Napakasimple. Sayang ngayon ko lang siya nakilala. Napakasimpleng tao. Katulad n’yo rin, at ako, simple, simple lang ang gusto,” dagdag ni Willie.