NANINIWALA si Senador Joel Villanueva na work from home ang maaaring maging tugon sa patuloy na paglala ng trapiko sa Metro Manila at iba pang metropolitan areas.
At napatunayan na rin na epektibo ang WFH lalo na nang tumama ang pandemya. Sa katunayan, umayos pa ang takbo ng e-commerce dahil sa mga digital transaction na nakatulong din sa takbo ng ekonomiya kahit restricted ang paggalaw ng tao.
“Nakita natin ang buong implementasyon ng batas at kung paanong hindi natigil ang pagiging produktibo ng mga tao dahil sa ibinigay na alternatibong working arrangement. Sa katunayan, lumago ng 20% mula 2021 hanggang 2022 ang e-commerce at digital transactions kahit na karamihan sa mga tao ay nagtatrabaho sa bahay,” ayon kay Villanueva sa isang kalatas nitong Huwebes.
At ngayon na tapos na ang pandemya, patuloy naman ang paglala ng sitwasyon ng trapiko lalo na sa Metro Manila.
Ayon sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA) noong 2018, P13.8 bilyon ang nawawala sa Pilipinas kada araw dahil sa matinding trapik.
Sa project report ng Compress Traffic Management Plan noong December 2022, sinabi ng JICA na ang transportation cost ng mga road user, na binubuo ng vehicle operating cost at travel time cost, ay aabot sa P5.9 bilyon kada araw sa Metro Manila, at tataas pa ito sa P9.4 bilyon kada araw sa taong 2027 kung hindi aaksyunan.
Dahil dito, dapat umanong maipatupad nang maayos ang WFH at iba pang alternative work setup nang hindi masisira ang productivity at tuloy na makakatulong sa ekonomiya.
Bukod pa rito, makakabawas din ito sa mabigat na daloy ng trapiko, mapapaganda ang work-life balance, gastusin sa mga manggagawa at makakaambag pa sa pangkalahatang kalusugan ng ekonomiya.