PINAG-AARALAN na ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang pagbabawas sa water pressure ng mga concessionaire sa National Capital Region (NCR) dahil sa patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam dahil sa El Niño.
Ayon Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), bumaba sa 201.70 metro nitong Linggo mula 201.93 metro noong Sabado ang water level ng Angat Dam.
“Ang iniiwasan natin ay ‘yung drastic na pagbagsak ng ating reservoir dahil sa consumption ng ating mga customer. Kaya sa ngayon, tinitingnan natin kung paano natin mame-maintain lamang ang bagsak ng daily decrease ng ating reservoir,” paliwanag ni MWSS spokesperson Patrick Dizon sa isang interview.
Nasa 180 metro ang minimum operating level ng Angat Dam at kapag mas mababa rito ay minimal ang isusuplay sa mga irigasyon.
“Iyon ang ating iniiwasan, ang bumagsak ang ating elevation ng reservoir hanggang 180 meters. Kasi by that time ay minimal na lang ang ire-release sa ating irrigation,” lahad ni Dizon.