Walang price cap sa lechon; suplay ng baboy stable

HINDI na kailangan lagyan ng price cap ang mga bilihing baboy, lalo na ang lechon, ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ngayong papalapit ang Pasko sa kabila ng epekto ng African Swine Fever (ASF) na dinanas ng bansa.

“No, I don’t believe in price caps. Lalo na lechon. Technically, it’s a luxury item,” ayon kay Tiu Laurel sa isang ambush sa sidelines ng annual membership meeting ng Philippine Chamber of Agriculture and Food, Inc. ngayong Huwebes.

Sinabi rin nito na asahan na may bahagyang paggalaw sa presyo ng mga baboy, ngunit mananatiling stable ang suplay nito.

“I don’t think it’s going to be a big increase (presyo). I think increment, minor increase lang,” dagdag pa nito.

Tiniyak din ni National Federation of Hog Farmers chairperson Chester Tan na walang kakulangan sa baboy sa darating na holiday.

“Right now, we are assuring na sa ating publiko na this coming season ng December that we have enough supply of pork even for the lechoneros, mayroon tayong enough supply,” sabi nito.

Ayon sa tala, as of Sept. 30, mahigit sa 517.86 milyong kilo ng imported na baboy ang dumating sa bansa simula Enero.