BINALAAN ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang mga consumer sa Metro Manila at mg karatig na lalawigan na walang habas sa pag-aaksaya ng tubig ngayon n matindi ang epekto ng El Niño phenomenon.
Ayon kay MWSS Water and Sewerage Management Department Manager Patrick Dizon, nakabantay sila ngayon sa mga biglaang pagtaas ng mga konsumo sa tubig.
“Kung napatunayan po na wala naman pong leak sa kanilang kabahayan ay wa-warning-an po natin sila,” ayon kay Dizon.
Bukod sa warning, bibigyan din sila ng paaalala kung paano makakatipid sa konsumo ng tubig.
“Makaka-receive po sila ng mga notices po sa kanilang mga billing, kung iyong mga kanilang naging konsumo po ay tumaas ba o bumaba,” anya pa.
Ito anya ay bahagi ng mga hakbang ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Water Resources Management Office para makatipid sa tubig.
Samantala, sinabi ng MWSS na magpapatupad ito ng low water pressure mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga para makatipid sa tubig.
Iginiit ni Dizon na hindi ito dahilan para magkaroon ng mga walang abisong service interruption.
“Hindi naman po tayo mawawalan po ng tubig sa mga oras po na magka-conduct kami ng mga pressure management strategies, at hihina lamang po iyong atin pong pressure,” paliwanag ng opisyal.
Kung meron anyang service interruption, tiyak anya na magbibigay ng abiso ang Maynilad at Manila Water.