VP Sara lumipad pa-Malaysia

UMALIS ng bansa si Vice President Sara Duterte para sa isang personal trip kasama ang pamilya sa Malaysia sa gitna nang napipintong pagsisimula ng kanyang impeachment trial sa Hunyo 11.

“Vice President Sara Duterte is traveling to Kuala Lumpur, Malaysia on a personal trip with her family,” ayon sa advisory ng Office of the Vice President ngayong Martes.

Hindi naman tinukoy ng tanggapan kung kailan ang eksaktong araw umalis ang pangalawang pangulo.

Gayunman, sinabi nito na dadalo si Duterte sa Independence Day celebration ng mga Pinoy sa Kuala Lumpur sa Hunyo 12. Magsasagawa rin anya ito ng konsultasyon sa mga overseas Filipino workers sa nasabing bansa.

Kamakailan lang ay galing din sa The Netherlands si Duterte para bisitahin ang nakadetineng amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nahaharap sa kasong crimes against humanity.