VP Sara hindi magbibitiw: Wala pa tayo sa ganyang bagay

ITINANGGI ni Vice President Sara Duterte na magbibitiw na siya sa kanyang pwesto matapos maisulong ang pagkaka-impeach sa kanya ng Kamara.

“Wala pa tayo doon masyado pang malayo ‘yung ganyang mga bagay,” pahayag ni Duterte sa isang press conference na kanyang ipinatawag Biyernes, dalawang araw matapos maisumite sa Senado ang Articles of Impeachment.

Dagdag nito: “Nandito pa lang tayo sa pagbabasa (ng Articles of Impeachment). May mga abogado tayong nagtatrabaho.” 

Samantala, “God save the Philippines,” ang naging pambungad na pahayag ni Duterte nang humarap ito sa media.

“Ang tanging masasabi ko lang ay God save the Philippines. Bukod dito, nais ko na lang ipaabot ang taus-puso kong pasasalamat sa mga kababayan na patuloy na nagdarasal, sumusuporta, at nagtitiwala at patuloy na nagmamahal sa akin.  Manalig kayo dahil sa taumbayan ang tagumpay,” pahayag pa nito.

Miyerkules nang isumite sa Senado ang Articles of Impeachment na pirmado ng 215 kongresista, sobra-sobra sa hinihiling na 102 lagda o two-thirds ng House’s 306 members.