HINDI dumalo si Vice President Sara Duterte sa pagbubukas ng Palarong Pambansa 2024 sa Cebu City ngayong Martes.
Gayunman, nagpadala naman ito ng pagbati sa mga student-athletes na kalahok sa Palaro, ayon sa Department of Education (DepEd) Spokesperson na si Undersecretary Michael Poa.
Pinadala naman ni Duterte si Assistant Secretary Francis Bringas bilang kanyang representative para sa pagtataas ng Palarong Pambansa banner kasama si Philippine Sports Commissioner Chairman Richard Bachmann at Department of Interior and Local Government Region 7 Director Leocadio Trovela.
“Kasabay ng pagbubukas ng Palarong Pambasa 2024 sa Cebu City ngayong araw ay ang aking dasal at hangarin para sa tagumpay ng ating mga layunin na maisulong ang akma, napapanahon, at dekalidad na edukasyon para sa mga kabataang Pilipino,” ayon sa mensahe ni Duterte sa mga atletang mag-aaral.
Pinasalamatan din ni Duterte ang mga guro, coach, technical staff at kasapi ng organisasyon para mabuo ang taunang palaro.
Aabot sa mahigit na 18,000 atletang mag-aaral ang kalahok sa Palaro mula sa 19 delegasyon mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Gaganapin ang Palaro hanggang Hulyo 16.