IGINIIT ni Vice Ganda na wala siyang kinalaman sa pag-atras ng asawang si Ion Perez sa midterm elections sa 2025.
Sa panayam ni Ogie Diaz, binanggit din ni Vice na hindi niya pinigilan si Ion nang magpasya itong tumakbo bilang konsehal ng Capas, Tarlac.
“Kaming dalawa, we don’t decide for each other. Hindi ako sasabihan ni Ion na dapat ganito ‘yung gawin ko. Ako rin sa kanya, hindi ko rin sasabihin na dapat ganito yung gawin mo,” paliwanag ni Vice.
“Hinahayaan namin yung isa’t-isa na prumoseso ng mga bagay, pero nakaalalay kami. Pwede kami magbigay ng suhestisyon, opinyon, lalo na kapag pinag-uusapan namin, pag nagpapalitan kami. Pero we will not decide for each other,” dagdag niya.
Gayunman, pinunto ni Vice na hindi siya nagulat nang magdesisyon ang mister na mag-back out.
“Nung sinabi niya na hindi rin siya tutuloy, hindi na rin ako magtataka. Kasi ‘yun din siya e. Kilala ko ‘yung pagkatao niya, mabuti kasi yung puso ng asawa ko. Hindi siya mag-aaksaya ng pagmamahal at tiwala at suporta sa kanya ng mga tao,” sabi niya.
Isinapubliko rin ni Vice ang rason ni Ion.
“Sabi niya, ‘Hindi na ako tutuloy.’ Sabi ko, ‘Bakit?’ Sabi niyang ganun, ‘Kung tutuloy man ako, kailangan ko siyang paghandaan, pagplanuhan, lahat. So ngayon, ayokong ipahiya yun mga magtitiwala sa akin’,” sambit ng “It’s Showtime” host.