NANGUNA ang University of the Philippines (UP) sa mga unibersidad sa Pilipinas na pasok sa Quacquarelli Symonds (QS) World University Rankings 2024.
Base sa pinakahuling ranking ng QS na nakabase sa United Kingdom, pumuwesto sa ika-404 ang UP, mas mataas sa ranggo nito na ika-412 noong 2023.
Bukod sa UP, pasok din ang Ateneo de Manila University na nasa ika-563; De La Salle University, na nasa 681-690 bracket; University of Santo Tomas, 801-850 bracket at University of San Carlos sa Cebu City, na nasa 1201-1400 bracket.
Kabilang sa sinuri ng ahensiya ay ang academic reputation, citations per faculty, employer reputation, employer outcomes, faculty-student ratio, international faculty, international research network, international students, at sustainability.