Umpisa na ng mass deportation: 24 Pinoy sa US nasampolan

DAHIL sinimulan na nga ni US President Donald Trump ang polisiya nitong mass deportation, 24 Pilipino agad ang nasampolan at ngayon ay pababalikin dito sa Pilipinas dahil sa pagkakasangkot sa mga ilegal na gawain sa Estados Unidos.

“We have monitored around 24 Filipinos who have been deported from the United States due to their involvement in certain criminal activities, although these were not classified as very serious offenses,” ayon kay Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez sa panayam ng dzBB nitong Linggo.

Gayunman, sinabi ni Romualdez na maraming American employers na may mga tauhang undocumented Filipino immigrants ang tumutulong para maayos ang kanilang estado upang hindi mai-deport.

Paliwanag ni Romualdez na ang inuuna ngayon ng pamahalaan ng US na mapa-deport ay mga indibidwal na may criminal records.

Ayon sa datos, tinatayang nasa 1.3 milyon immigrants ang nai-process na para maibalik sa kani-kanilang pinagmulang bansa.

Samantala, nanawagan naman ang Department of Foreign Affairs sa mga Filipino immigrants na maging “low profile” at ayusin agad ang kanilang mga status.