PINAGPAPALIWANAG na ang Department of Education (DepEd) ang public school teacher na nag-viral dahil sa video nito sa TikTok habang pinagagalitan ang kanyang mga estudyante.
Nitong Lunes, isang show cause order ang inisyu sa guro at binigyan din ng 72 oras para i-eplain ang tungkol sa nasabing viral TikTok video.
Ayon kay DepEd Assistant Secretary for field operations at deputy spokesperson Cesar Bringas, iimbestigahan ang nasabing insidente.
Hindi naman tinukoy ni Bringas ang pagkakakilanlan ng guro maliban sa ito ay high school teacher na nagtuturo sa Metro Manila.
Nag-trending ang video noong isang linggo dahilan para ipatawag ng regional office ang guro.
“The regional office has issued a show cause order to the concerned teacher giving her 72 hours to submit an explanation why she should not be charged administratively and this is part of the due process we have in dealing with these cases,” ani Bringas.
Bukod dito, pinagpaliwanag din ng principal ng paaralan kung saan nagtuturo ang teacher.
Sa nasabing video, pinagalitan ng guro ang kanyang klase dahil sa pagiging pasaway ng mga ito, tinawag rin niya itong mga “ugaling iskwater”.
Maliban dito, hinamon din ng guro ang mga estudyante na mag-board exam at siguradong magsisipagbagsak ang mga ito.
Sinabi rin nito na hindi siya binabayaran para lang utus-utusan at itratong parang robot at maging katatawanan; at hindi anya siya pumasa sa board exam para lang bastusin ng mga taong wala pa umanong napapatunayan.