MAAARI pang i-apela ng mga labor groups at kahit mga employers ang aprubadong P35 wage hike ng mga manggagawa sa National Capital Region.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, may 10 araw pa ang mga tutol sa ginawang desisyon ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB)- National Capital Region (NCR) na nagbibigay ng P35 umento sa mga workers sa Metro Manila.
Pwede anya nilang i-apela sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang Wage Order No. NCR-25.
“The appeal can be filed within 10 days from publication of the wage order, or until July 11,” ayon kay Laguesma.
“Any individual or organization, whether labor or employer, who feels aggrieved can file (an appeal),” dagdag pa nito.
Mula sa kasalukuyang P610 na arawang sweldo, magiging P645 na ito para sa mga nasa non-agriculture sector; at P608 naman mula sa kasalukuyang P573 ang makukuha ng mga nasa agriculture sector, service and retail establishments na may empleyado na 15 pababa, at manufacturing establishments na may empleyado na 10 pababa.
Magiging epektibo ang bagong sweldo sa Hulyo 17.