BUMUBUHOS ang mga deboto sa Saint Padre Pio of Pietrelcina Parish sa Magsingal, Ilocos Sur makaraang kumalat ang balita na nakagagaling ng karamdaman ang tubig mula sa poso na matatagpuan malapit sa simbahan.
Bago ito, nag-viral sa social media ang video ng poso na kahit hindi umano bombahin ay nagbubulwak ng tubig.
Bunsod nito naging tila pilgrimage site ang lugar dahil sa dami ng tao na umiinom at nagpapahid ng tubig sa katawan sa paniniwalang may himala ito.
Bukas ang poso sa publiko na gustong kumuha ng tubig, ani Fr. Raymond Ancheta, parish priest, sa isang panayam.
Ani Fr Ancheta, iniimbestigahan na ng simbahan ang umano’y milagro sa poso.
“Pari ako pero hindi ganun kadaling sabihin na, ‘Oh, it a miracle.’ Hindi rin ganoon kadali na i-dismiss mo na, ‘Oh, it’s not a miracle.’ — it’s the quality of the water,” dagdag ng pari.
“Kung makakatulong, ‘di makakatulong, we term that as a phenomenon… it’s part of the nature na parang ang hirap i-explain by our naked eye, pero puwedeng i-explain ‘yan ng siyensya,” dagdag niya.