WALA na sa minimum operating level na 180 meters ang tubig sa Angat Dam, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Sinabi ng Pagasa na mula sa 180.45 meters na sukat na naitala noong Biyernes, ito ay nasa 179.99 meters base sa tala na ginawa Sabado ng umaga.
Mas mababa na ito sa normal high water level na 210 meters at masasabing malapit na sa critical level na 160 meters na nairekord naman noong Hunyo 2019.
At bunsod ng inaasahang paglala pa ng epekto ng dry spell dala ng El Niño phenomenon, magbabawas na rin ng water allocation sa National Capital Region at National Irrigation Administration hanggang sa katapusan ng Hulyo, ayon sa National Water Resources Board (NWRB).
Sa Angat Dam nagmumula ang 98 porsiyento ng tubig na ginagamit ng mga residente sa Metro Manila.