Trillanes: Duterte, Bong Go sabit sa P6 bilyon plunder

INAKUSAHAN ng plunder ni dating Sen. Antonio Trillanes IV sina Pangulong Duterte at Sen. Bong Go kaugnay sa P6.6 bilyong kontrata sa gobyerno na kinita ng construction company na pag-aari ng ama ni Go.


Base sa mga dokumento na nakalap ni Trillanes mula sa Department of Trade and Industry (DTI) at Commission on Audit (COA), nabigyan ng 125 government infrastructure projects na may halagang P4.89 bilyon sa Davao City at Davao region ang CLTG Builders na pag-aari ng ama ni Go na si Desiderio Lim mula Marso 2007 hanggang May 2018.


Idinagdag ni Trillanes na noong 2017 ay na-award din sa CLTG Builders ang 27 proyekto ng pamahalaan na may halagang P3.2 bilyon.


“Ito ay maliwanag na patong-patong na kaso ng plunder na umaabot sa P6.6 billion pesos,” hirit ni Trillanes sa ipinost niyang video sa YouTube.


Pinamagatan niya ang video na “Pagnanakaw ni Duterte at Bong Go sa kaban ng bayan.”