INIREKLAMO ni Teacher Athena, isang Pinoy transgender na naka-base sa Taiwan, ang hindi umano magandang pagtrato sa kanya ng pulis na bantay sa Basilica Minore del Sto. Niño de Cebu kamakailan.
Ayon kay Teacher Athena, isang English instructor sa Taiwan, hinarang siya sa gate ng simbahan dahil bawal umano ang suot niyang shorts. Hindi pa umano nakuntento ang pulis, na isang babae, at hiningan pa siya nito ng ID.
Ani Teacher Athena, iniabot niya ang kanyang passport pero nagulat siya nang tanungin ng pulis kung ano ang kasarian niya.
“Why is it you’re talking about gender? Male. Passport. So, will you base it on gender?” sagot ng guro.
Pinayagan lamang umano siyang makapasok ng simbahan nang sabihin na gusto lang niyang magdasal at bumili ng souvenir.
Agad naman niyang ibinahagi sa information desk ang kanyang dinanas sa police woman. Sa TikTok video, inamin ni Teacher Athena na nakaramdam siya ng pang-aapi sa pangyayari.
Sabi niya, ilang foreigners ang nakita niyang pinapasok sa simbahan kahit naka-shorts din ang mga ito.
“Usba na inyohang sistema. Respeto mo sa tanang mga tawo, ma lalaki man o ma babaye na. Unya ang intensyon musulod, ayaw ninyo i-trap ang mga tawo or whatever,” sabi niya.
Samantala, napag-alaman na inalis na ang policewoman na nagbabantay sa gate ng simbahan at nakatakdang imbestigahan ng pulisya ang kaso.