HIMAS-rehas ang transgender woman na dinakip kamakailan sa Manila dahil sa pangingikil umano sa lalaki na nakilala niya online at nakatalik.
Hindi kinilala ng pulisya ang suspek na nahaharap ngayon sa patong-patong na kaso.
Dinakip ang suspek sa entrapment operation sa isang mall sa siyudad.
Base sa reklamo ng biktima, nakilala niya sa isang dating app ang suspek at dahil nagandahan siya sa inakalang babae ay niligawan niya ito.
Nagkaroon ng sexual encounter ang dalawa sa kanilang unang date.
Ayon sa biktima, kinukunan ng video ng suspek ang kanilang pagtatalik pero binalewala lang niya ito dahil tiwala siya sa ka-date. Makaraan ang ilang araw ay nag-chat ang suspek, na umamin na isa siyang transwoman, at tinakot ang biktima na kung hindi niya ito ipagsa-shopping ay gagawin niyang content ang nasabing video.
Sa takot ay napilitan ang biktima na makipagkita sa suspek at binilihan ito ng pabango at mga damit.
Matapos iyon ay ipinakita ng suspek na binura na niya ang video ng pagtatalik at mga hubad na larawan ng biktima. Pero pagkaraan ng ilang linggo, muling nag-chat ang suspek at nanghihingi ng P10,000 cash.
Dito na nagdesisyon ang biktima na humingi ng saklolo sa pulisya.
Depensa ng suspek, hindi niya kinikikilan ang biktima. Aniya, nagkasakit siya matapos ang kanilang pagtatalik kaya kailangan niyang magpagamot.
“After ng ano namin ay may mga nararamdaman po kasi ako na doon po sa private part ko, may nararamdaman po akong uncomfy po siya. And ‘yun nga po, need ko ng check-up, follow-up check-up,” palusot nito.