ILANG mag-aaral ng Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology (Earist) ang nagsagawa ng kilos-protesta upang kondenahin ang sapilitang pagpapagupit ng buhok ng mga estudyante na transwomen.
Isinagawa ang protesta sa Earist College of Industrial Technology sa Valencia, Manila kahapon ng umaga.
Ayon sa grupong Earist-Bahaghari, hindi pinayagan ng paaralan na makapag-enrol sa second semester ang mga transwomen na may mahahabang buhok.
Bago ito, nag-viral ang isang video ng isang mag-aaral ng Earist na sa kagustuhang maka-enrol ay napilitang magpagupit.
Makikita ang estudyante na mangiyak-ngiyak habang ginugupit ang kanyang mahabang buhok. Komento ng mga miyembro ng LGBT community, labag ito sa isang ordinansa ng lungsod na nagpoprotekta sa kanilang karapatan.