Top PNP officials sinuspinde dahil sa extortion

INIUTOS ni Philippine National Police chief Gen. Rommel Marbil ang pagsuspinde sa pwesto ng mga opisyal ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) dahil sa pangingikil diumano ng kanilang mga tauhan sa mga dayuhan na nago-operate ng scam hub sa Maynila.

Suspendido ng 10 araw sina NCRPO chief Police Maj. Gen. Sidney Hernia at PNP-ACG chief Maj. Gen. Ronnie Francis Cariaga simula Nob. 7, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla.

Sinalakay ng mga tauhan ng NCRPO at PNP-ACG ang hinihinalang scam hub sa Century Peak Tower sa Ermita, Manila, noong Okt. 29. Inaresto ang 34 Indonesian, 10 Malaysian and 25 Chinese nationals. Kinumpiska ng mga otoridad ang mga cellphone, desktop computers, laptop at samu’t saring SIM cards.

Sangkot ang sinasabing hub sa diumano’y cryptocurrency at romance scams.

Nitong Lunes naghain ng reklamo ang apat na Chinese sa National Police Commission at sinasabing hinihingan umano sila ng tig-iisang milyong piso ng mga tauhan ni Hernia kapalit ng serbisyo ng mga abogado na may link umano sa mga influential na tao.

Ayon kay Remulla, sinuspinde ang mga opisyal “for the conduct of the raid in Malate.”

Mariin namang itinanggi ni Hernia ang akusasyon at sinabing handa siya sa anumang imbestigasyon.