IKINATUWA ni Pangulong Bongbong Marcos ang balita na bumaba ng 93.3 porsiyento ang mga text scam complaints dahil sa implementasyon ng Subscriber Identity Module (SIM) Card Registration Act.
Ayon kay Marcos nagsisimula nang maging mas ligtas na ngayon ang digital space sa bansa laban sa mga cyber threats at samu’t saring online criminalities dahil sa bagong batas na ipinatutupad na sa bansa.
“93.3 percent ang ibinaba ng mga reklamong natatanggap ng National Telecommunications Office simula ng ating ipatupad ang SIM Card Registration Act,” ayon kay Marcos.
“Unti-unti nang nagiging mas ligtas ang ating digital space kaya naman patuloy naming inaanyayahan ang lahat na magregister na para sa panatag na pagnenegosyo, pagtatrabaho at pamumuhay,” dagdag pa niya.
Sa huling tala nitong Marso 12, may 44,298,445 subscribers or 26.22 porsiyento ng 168,977,773 subscribers sa buong bansa ang nakapagparehistro na ng kanilang SIM card simula nang ito ay naipatupad.
Tatagal ang registration hanggang Abril 26.