‘YAN ang pinaka-istupido nilang sinabi.”
Ganito inilarawan ng suspendidong Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves matapos siyang i-tag bilang terorista ng Anti-Terrorism Council (ATC).
Kinuwestyon din ni Teves, na siyang itinuturong utak sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pa, kung anong naging basehan ng konseho para siya sabihin na terorista.
“Sino ba namang pulitiko ang magso-sow ng fear? Nangangampanya ka nga para mahalin ng tao sabay mananakot ka? Malaking katangahan yun, di ba? Sa totoo lang. You’re wooing people to love you, to vote for you. Paano ka mananalo ng eleksyon kung tatakutin mo yung tao?” pahayag ni Teves sa isang online press conference nitong Martes matapos ilabas ng ATC ang resolusyon na tumutukoy sa kanya bilang terorista.
Mariin ding itinanggi ni Teves na bahagi siya ng anumang terror group.
“There’s no such thing as a Teves Terrorist Group. Merong aksyon, tulong, solusyon. Not a terror group. Second, katangahan nga yun. Istupido ka? Magte-terrorize ka ng tao kung magpapapili ka tuwing eleksyon. It’s illogical, it’s stupid, it’s katangahan. Hindi siya nagma-match,” giit pa ni Teves.