EMOSYONAL ang social media personality na si Whamos Cruz habang itinatanggi na kasalanan niya ang paggamit ng video clip mula sa ibang tao nang walang pahintulot.
Ginamit ni Whamos sa TikTok trend na “Piliin mo ang Pilipinas” ang clip na pag-aari ng video editor na si JAK Seventy-Three.
Sa Facebook ay na-call out ni Jak si Whamos dahil ninakaw raw nito sa mga kuha niya sa Sinulog festival para sa gamitin sa TikTok trend na nagbigay-pugay sa mga Pilipino.
“Whamoscruz stole my videos,” caption ni Jak sa FB post na kalakip ang isang edited video.
Ani Whamos, nasaktan siya sa ginawang pag-call out sa kanya ni Jak bago niya ibinunton ang sisi sa kanyang tauhan.
“Actually, hindi ako ‘yung may kasalanan dito na bakit may na-involve na clip video doon. Una sa lahat, ako po ay isang vlogger, content creator, gumagawa lang din naman ng video pero hindi ibig sabihin ‘nun ako na po ang editor or videographer. Sa part po na entry ko ng ‘Piliin mo ang Pilipinas,’ meron po akong mga tao na nasa paligid ko –videographer, editor. So may cast kami,” umpisa ng paliwanag ni Whamos.
“Yun lang sa akin, sana minessage n’yo na lang po kami and para hindi na po humaba ‘yung isyu kasi ‘yung video clip naman po na ‘yun eh ginamit naman po sa tamang paraan, hindi naman po sa maling paraan,” dagdag niya.
Humingi naman ng paumanhin si Whamos sa pagkakamali ng kanyang tauhan.
“Ako na po ‘yung humihingi ng pasensya doon sa editor sa nangyari,” sabi niya.
Hindi ko pagkakamali ‘yun, pagkakamali ‘yun ng editor ko ‘yun, pero ako po ‘yung humihingi ng pasensya sa inyo,” giit pa niya.