SUV na may plakang pang-senador dumaan sa bus lane; enforcer tinakasan

TRENDING ngayon ang isang sports utility vehicle (SUV) na may plakang No. 7 na iniisyu sa mga senador matapos itong dumaan sa Edsa bus lane at takasan ang babaeng enforcer na humili rito.

Hinahalughog na ng Land Transportation Office (LTO) kung sino ang may-ari ng sasakyan at kung totoo ngang pag-aari ito ng isang senador.

Samantala, nanawagan naman si Senate President Chiz Escudero na lumutang na ang may-ari ng sasakyan kung siya man ay miyembro ng Senado.

Hindi rin anya katanggap-tanggap ang ginawang paglabag ng sasakyan, lalo na kung ang sakay at may-ari nito ay isang senador.

“If indeed the owner is a member of the Senate, I expect him/her to come forward and instruct the person/s driving the vehicle to responsibly face the consequences and of their actions as soon as they know and find out about the incident themselves, and to surrender and present themselves to the authorities accordingly,” pahayag ni Escudero.

Ayon sa ulat, hinarang ng tauhan ng Department of Transportation’s Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT) na si Sarah Barnachea, ang sasakyan nang dumaan ito sa northbound ng Edsa Bus lane sa Guadalupe Station.

Nang lalapitan na anya ito at para hulihin ang driver ay muntik pang sagasaan ng driver si Barnachea saka tumakas.

Isa pang enforcer ang sumaklolo pero ito man ay tinakasan ng driver.

Ang pasahero na nasa backseat ay nag-flash pa ng middle finer sa mga enforcer.