Suspek sa pagpatay sa 3 katao sa Tagaytay hotel sumuko

SUMURENDER sa otoridad nitong Martes ang lalaking itinuturong nasa likod ng pagnanakaw at pagpatay sa isang Australian, ka-live nitong Pinay at manugang ng huli sa isang hotel sa Tagaytay City noong isang linggo.

Ayon kay Lt. Col. Charles Daven Capagcuan, hepe ng Tagaytay police, dating kawani ng hotel ang suspek.

Matatandaan na nadiskubre ang katawan ng mga biktima noong July 10.

Laslas ang leeg ng Australian habang binalutan ng packaging tape ang bibig at itinali ang mga kamay at paa ng mag-ina.

Sinabi ni Capagcuan na bago pa lumutang ang suspek ay natukoy na nila ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng suspek.

Dagdag ng opisyal, inamin ng suspek ang krimen at sinabing pagnanakaw at paghihiganti sa hotel ang nagtulak dito na isagawa ang karumal-dumal na krimen.

Narekober sa suspek ang relo, sapatos, singsing at mga damit na ninakaw niya sa dayuhan.

Napag-alaman na tinanggal sa trabaho ang suspek makaraang akusahang nagnakaw sa isa pang bisita ng hotel noong Marso. Nakatakdang sampahan ng reklamong robbery with multiple homicide ang suspek.