Sunog na SUV pag-aari ng nawawalang beauty pageant candidate, Israeli boyfriend

PAG-AARI ng nawawalang Mutya ng Pilipinas Pampanga 2023 candidate Geneva Lopez at Israeli boyfriend niya na si Yitshak Cohen ang sasakyang natagpuang sinunog at inabandona sa Capas, Tarlac.

Ayon sa pulisya, natagpuan sa backseat ng SUV ang isang pouch na may laman na ATM card na nakapangalan kay Lopez at ilang mga larawan nito.

Iniulat sa pulisya ang nasusunog na SUV alas-2:45 ng madaling araw pero nang datnan nila ay halos tupok na ito.

Walang tao sa loob ng sasakyan, anila. Base sa sinabi ng mga kaanak ni Lopez, umalis ang magkasintahan sa kanilang bahay sa Brgy. Malabanias, Angeles City, Pampanga noong Biyernes, Hunyo 21, sakay ng nasabing sasakyan.

Patungo ang dalawa sa Capas para makipagkita sa isang Michael Angelo Guiang kaugnay sa bibilhin na lupa roon.

Dumaan muna ang dalawa sa Brgy. Cristo Rey sa Capas para makipagkita sa kanilang ahente.

Iyon na ang huling beses na nakita ang dalawa. Sa kasalukuyan ay nangangalap na ng CCTV footage ng Capas police at Angeles City police para malaman kung sino ang mga sakay ng SUV bago ito sinunog.