INAKUSAHAN ng United Sugar Producers Federation of the Philippines (UNIFED) na sobra-sobra ang ipinapatong na tubo ng mga traders sa harap ng mga ulat na umaabot pa rin sa P100 kada kilo ang puting asukal sa ilang palengke sa Metro Manila.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni UNIFED President Manuel Lamata na base sa isinagawang survey ng Sugar Regulatory Administration (SRA), sapat ang suplay ng asukal sa bansa kung saan aabot ang imbentaryo ng raw sugar sa 134,000 metric tons at 143,000 metric tons naman para sa putting asukal.
“Mina-maximize pa rin nila ang profit nila kasi yan ang laro nila, maximize profit all the time, kawawa ang taumbayan,” sabi ni Lamata.
Idinagdag ni Lamata na hindi rin mapipigilan ng mga trader ang pagbaba ng presyo sa harap ng inaasahang pagdating ng 150,000 metric tons ng imported na asukal at mga ani mula sa mga lokal na producer.
“Rest assured by October to November, bababa na ang presyo, hindi na nila mapipigilan yan. They have no chance to hoard, sobra-sobra na ang suplay ang asukal, so bababa yan, garantisado yan,” ayon pa kay Lamata.