BINAKBAKAN ni House Deputy Speaker David “Jay-Jay” Suarez sina Senador Imee Marcos, Bato dela Rosa at Risa Hontiveros hinggil sa pagkwestyon ng mga ito sa programang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) na nakapaloob sa 2024 General Appropriations Act.
“Ignorance of the law excuses no one, lalo na kung ang nagsasabi nito ay yung mismong gumawa at lumagda sa batas,” ayon kay Suarez.
Nakapagtataka anya kung bakit kinukuwestyon ng tatlo ang nasabing programa gayong nakapirma ang mga ito sa special provision on AKAP at maging sa buong Bicam report na tumatalakay rito.
“Ugali ba talaga nilang pumirma kahit hindi nababasa ang dokumentong pinirmahan nila? Paano na ang ibang batas na ipinasa nila sa Senado? Hindi rin kaya nila binasa bago sila pumirma?,” pahayag pa ng mambabatas.
Naniniwala rin anya siya na binibigyang kulay lang ng mga ito ang proyekto na tutulong sa mahihirap.
“Ano po ba ang bawal, masama o mali sa isang batas tulad ng AKAP na magbibigay ng one-time assistance na P5,000 sa mga grab drivers, service crew, factory workers at iba pang manggagawa? ‘Di ba silang mahihirap ang nililigawan ng mga senador tuwing halalan?,” anya pa.
Nitong Martes, kinuwestyon ni Marcos ang AKAP Program na nakapasok sa 2024 national budget, at iniuugnay ito sa isinusulong na People’s Initiative.
Maging ang ibang senador ay nagpahayag din ng kanilang pagkabigla sa funding at nature ng programa.