DAPAT magdeklara na si Pangulong Duterte ng state of economic emergency ngayon na nahaharap ang bansa sa posibleng krisis sa langis bunsod na rin ng nangyayaring kaguluhan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Ito ang naging suhestyon ni Albay Rep. Joey Salceda, chairman ng House committee on ways and means sa isinagawang meeting ng komite, kasabay ang panawagan sa pangulo na magpatawag na ito ng special session para tugunan ang napipintong mas malalang problema.
Bukas ay magpapatupad ng malakihang dagdag presyo sa mga produktong petrolyo. Tataas ng P5.85 kada litro ang presyo ng diesel habang P3.60 naman sa gasolina at P4.10 naman sa kerosene.
Inaasahan na mas tataas pa ito sa mga susunod na linggo dahil sa patuloy na gera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
“Ang pinaka mabilis diyan is for the President to declare a state of economic emergency arising from the fuel crisis and therefore to enable him to use the calamity fund or for local government units to use their calamity funds to provide relief to tricycle drivers, farmers, and fisherfolks,” pahayag ni Salceda.
Napagkasunduan na rin umano ng mga mambabatas na hilingin kay Duterte na magpatawag ng special session sa Kongreso.
“Consensus dito is to ask the President to call for a special session to tackle the fuel crisis,” anya pa.