SSS pensioner may 13th month pay na

INILABAS na ng Social Security System (SSS) ang 13th month pay at December pension na nagkakahalaga ng P32.19 bilyon para sa mahigit 3.6 milyong pensioner sa bansa.

Sa inilabas na pahayag ng SSS, sinabi ni officer-in-charge Voltaire Agas na nailabas na ang unang batch ng pension at 13th month pay para sa 2.09 milyong pensionado na nagkakahalaga ng P17.9 bilyon noong Nob. 29.

Asahan na maipamamahagi ito simula noong Dis 1 hanggang 15.

Ang ikalawang batch naman ay nai-release na nitong Dis. 4 para sa 1.52 milyong pensionado. Asahan na maibibigay ito sa kanila mula Dis. 16 hanggang katapusan ng buwan.

Naipalabas na rin ng SSS ang may P41.6 milyon halaga ng 13th month at December pension sa may 6,000 pensioners sa ilalim ng non-PESONet participating banks and checks.

“Pensioners in non-PESONet participating banks got their pensions on December 4, meanwhile we have asked the Philippine Postal Corporation to expedite the delivery of the checks of our pensioners in their home address,” ayon kay Agas.

Ang mga pensioner naman na nakapag-avail ng 18-month pension para sa kanilang initial benefit ay asahang nakatanggap na rin ng kanilang 13th month pension noong Dis. 4.