BINUKSAN ni Speaker Martin Romualdez ang sesyon ng Kamara nitong Lunes na may himutok at akusasyon na meron diumano’y nais sumira at gustong diktahan ang House of Representatives.
Ayon kay Romualdez, tatayo siya at maninindigan laban sa integridad ng Kamara.
“But let it be said, never must we countenance or allow others not so likely-minded individuals who choose to malign or put down the image of this institution and dictate the direction we must go. I urge everyone to rally behind our true moral compass – the will of the Filipino people,” ayon sa lider ng Mababang Kapulungan.
“Tatayo ako laban sa sinuman na mananakot sa atin para masunod lamang ang gusto nila. Titindig ako — tayong lahat— para sa kapakanan ng bayan,” anya.
Hindi naman niya ito pinangalanan, gayunman sinabi ni Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales na ang tinutukoy ng lider ay si dating Pangulong Duterte.
Nagbitiw na rin si Gonzales bilang miyembro ng partido ng dating pangulo na PDP-Laban.
Matatandaan na sa isang panayam kay Duterte ng Sonshine Media Network International (SMNI), tinawag nito ang Kamara bilang “most rotten organization.”
Sinasabi na na-ugat ang ganitong pahayag ni Duterte matapos tanggalan ng P650 milyong confidential funds ang tanggapan ng Vice President at Department of Education na hinahawakan ng kanyang anak na si Sara Duterte.
Ayon kay Romualdez ang pagsibak sa nasabing pondo ay “trabaho lang at walang personalan.”