KINUMPIRMA ng mga softdrink makers na kinukulang na sila ng premium refined sugar, pangunahing sangkap sa kanilang mga produkto.
Sa isang joint statement, sinabi ng Coca Cola Beverages Inc., Pepsi Cola Products Philippines Inc, at ARC Refreshments Corp., na meron silang problema sa suplay ng “key ingredient in many of our products.”
“We are working closely with other stakeholders of the industry and the government to address the situation,” pahayag pa nito.
Bago ito, inamin ng Philippine Chamber of Commerce and Industry na marami sa kanilang mga miyembro ang nakararanas ng problema sa suplay ng asukal, na posibleng maging dahilan para itaas nila ang presyo ng kani-kanilang produkto.
Matatandaan na naglabas ng resolusyon ang Sugar Regulatory Board para makapag-angkat ng 300,000 metriko toneladang asukal, na ayon naman sa Palasyo ay walang basbas ni Pangulong Bongbong Marcos.
Dahil dito binawi ng Malacanang ang kwestyunableng resolusyon na naging dahilan para sa pagbibitiw naman ng tatlong opisyal ng Sugar Regulatory Board.
Bagamat iniurong na ang plano, sinabi naman ni Marcos na psoibleng umangkat ang pamahalaan ng 100,000 metriko toneladang asukal sa Oktubre kung sakaling magkaroon ng kakulangan dito.