MALAKING lugi ang inaasahan ng mga maliliit na rice retailers sa ipinatutupad ngayong price cap sa bigas na iniutos ni Pangulong Bongbong Marcos.
Sa ulat ng Inquirer, marami umanong mga rice retailers mula sa Bulacan, Oriental Mindoro, Leyte at Cebu ang umaangal dahil sa price cap ng P41 sa kada kilo ng regular milled rice at P45 naman sa well milled.
Magiging lugi anya sila ng P500 kada sako ng bigas kung ibebenta ang well milled rice sa presyong P45 kada kilo.
Iniutos ni Pangulong Marcos ang price cap bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Inilabas ang Executive Order 39 na siyang nagtatakda ng price cap.
Noong 1995 huling nagkaroon ng price cap para sa basic commodities sa Metro Manila para bigyang proteksyon ang mga consumer laban sa artificial na pagtaas ng presyo ng bilihin dala ng foot-and-mouth disease na tumama sa livestock. Itinakda ang price ceiling sa bigas noon sa P16.10 kada kilo para sa special rice habang P14.10 naman sa ordinary rice.