INILABAS na ng Philippine National Police ang facial sketch ng isa sa dalawang suspek na pumaslang sa broadcaster na si Juan Jumalon sa Misamis Occidental nitong Linggo.
Una nang kinondena ni Pangulong Bongbong Marcos ang pamamaslang kay Jumalon na binaril at pinatay habang naka-ere sa Facebook ang kanyang programa.
Wala pang ibang detalye na inilalabas ang pulisya hinggil sa pagkakakilanlan ng suspek, bagamat sinabi ni PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo na ang sketch ay ang lalaking naiwan sa gate ng bahay ng biktima na nagsilbing lookout.
“Ito ang kasama ng gunman na naiwan sa may gate,” ayon sa opisyal.
Si Jumalon ang ika-199 na mamamahayag na napaslang simula noong 1986.