SK chairperson nandekwat ng P30K, timbog 

SHOOT sa selda ang Sangguniang Kabataan (SK) chair personsa Tuburan, Cebu na nagnakaw ng P30,000 ng tauhan ng mayor noong Huwebes, Setyembre 27.

Nasakote si Matthew John Barangan, 21, SK chairperson ng Brgy. Bakyawan, makaraan ang isang araw. 
Nasa P3,000 na lang ang narekober na pera mula sa suspek dahil nagastos na umano niya ang iba sa pangangailangan nila sa bahay. Inamin ng suspek ang krimen dahil naghihikahos ang kanyang pamilya.

Ayon sa ulat, bumisita si Barangan sa tanggapan ni Steve Salipot, executive assistant ni Tuburan Mayor Aljun Diamante, noong Huwebes ng hapon. Nang makalingat ang executive assistant ni Diamante na si Steve Salipot ay hinalungkat ni Barangan ang bag nito saka ibinulsa ang P30,000 cash.

Napag-alaman na mag-isa lang si Salipot sa kanyang opisina ng mga oras na iyon. Sinabi ng biktima na noong sumunod na araw niya nadiskubre na nawawala na ang kanyang pera.