UTANG na loob.
Pwedeng expression kapag galit na galit o inis na inis o pwede ring gamiting pa-konsensiya effect.
Pag-usapan natin bakit, minsan, ang utang na loob na ginagamit bilang pangonsensiya ay hindi maganda.
Madalas nating marinig ang “wala kang utang na loob” sa pamilyang nag-aaway, sa magkaibigang hindi nagkaunawaan, minsan pati sa mga boss na pinagsasabihan ang kanyang ipinasok na empleyado.
Masagwang pakinggan na isinusumbat sa isang tao ang isang bagay na hindi naman niya ginusto.
Masagwa na, nakakainis pa.
Ang inyong mababasa ay personal kong opinyon tungkol sa paksang ito.
Mainit na usapin ngayon ang hidwaan ng isang pamilya dahil sa mga personal na bagay na naisapubliko.
Sa aking mga nabasa sa comment section ng mga posts hinggil sa sigalot ng pamilyang ito, marami sa comment section na nagsasabing dapat magka-ayos na ang pamilyang ito dahil “kung wala ang ina ng batang ito, ay wala rin siya sa mundo ngayon. Utang na loob niya sa kanyang ina ang kanyang buhay.”
Teka muna. Paano naging utang na loob ng isang bata ang kanyang buhay sa kanyang magulang?
Hindi naman pinili ng isang tao na ipanganak siya sa mundo. Hindi natin utang na loob sa ating mga magulang ang ating buhay.
Bagkus, responsibilidad ng ating mga magulang na tayo ay alagaan, arugain, palakihin nang naaayon. Papag-aralin, bigyan ng magandang kinabukasan, at suportahan.
Isa rin akong magulang. Tatlo ang aking anak. Iginagapang naming mag-asawa na mabigyan sila ng magandang kinabukasan upang maging handa sila na harapin ang hamon ng mapanghusgang mundo.
Maituturing ko rin na maswerte pa ako dahil buhay pa ang aking ina at isa siyang uliran.
At proud kong sasabihin na ni minsan ay hindi ko narinig sa aking mga magulang na utang na loob ko at ng aking mga kapatid, ang buhay namin sa kanila.
Ang nakalulungkot sa mga comment, dapat daw ay hindi naging suwail yung bata. Dapat daw ay hindi na siya sumagot-sagot pa, at dapat daw ay mas pinaboran niya ang kanyang ina, kesa sa kanyang girlfriend.
Hindi ako sang-ayon dito.
Hindi lahat ng oras at panahon ay tama ang isang magulang. At hindi lahat ng oras at panahon ay pakiki-alaman ng isang magulang ang personal na gamit ng kanyang anak, lalo na pagdating sa pera.
Masidhi ang aking paniniwala na, bilang isang ina, hindi na dapat umabot pa sa matinding hidwaan ang relasyong pampamilya.
Ngunit, minsan, kailangan ding ipamukha ng isang anak kung ano ang maling ginawa ng isang magulang.
Minsan kasi, imbes na gabay ang binibigay ng isang magulang, ay nanunumbat pa ito.
Nawa ay magka-ayos na ang mga pamilyang may sigalot, nang walang panunumbat.
Kaya, utang na loob, tantanan na ng iba diyan na sabihing may utang na loob ang isang anak sa kanyang magulang.