Singil sa kuryente bababa ngayong buwan

INANUNSYO ng Manila Electric Co. (Meralco) ang halos P2 per kilowatt-hour na bawas-singil ngayong buwan ng Hunyo taliwas sa unang pahayag ng kumpanya na magkakaroon ng P0.64 na pagtataas sa singil.

Sa abiso, sinabi ng Meralco na ang pagbaba sa singil ay dahil sa implementasyon ng utay-utay na koleksyon ng mga singil mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).

Kamakailan ay naglabas ng kautusan ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa lahat ng distribution utilitiea at electric cooperatives na hatiin sa loob ng apat na buwan, simula Hunyo hanggang Setyembre, ang koleksyon sa WESM charges.

Ang P1.96 per kWh na bawas-singil ay katumbas ng P392 na kaltas sa singil sa kuryente ng pamilyang kumolukonsumo ng 200-kilowatt hour kada buwan.

Samantala, humingi ng pang-unawa ang Meralco sa mga customer nito sa pagkakaantala ng electric bills ngayong Hunyo bunsod ng utos ng ERC.

“We ask for the understanding of our customers over the delayed bills as we implement the newly issued order of the ERC. Rest assured that Meralco will implement adjusted due dates to give our customers enough time to pay their bills,” ani Meralco VP at head of corporate communications Joe Zaldarriaga.