Shiela, Alice Guo hindi totoong magkapatid

INAMIN ni Shiela Guo na hindi niya biological sister ang ngayon ay pinaghahanap na sinibak na mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo, sa isinagawang pagdinig ng Senate committee on justice and human rights ngayong Martes.

Sa pagdinig, sinabi ba ni Shiela na nakilala lamang niya si Alice noong siya ay 17 o 18 years old na.

Inamin din nito na hindi rin niya totoong nanay at tatay ang mga magulang ni Alice na sina Jian Zhong Guo at Wen Yi Lin.

Sa pag-uusisa ni Senador Sherwin Gatchalian, tinanong nito Shiela kung totoo niyang tatay si Jian Zhong Guo.

“Kanina narinig ko si Jian Zhong Guo ay di mo biological father?”

Na sinagot naman nito ng “hindi ko po totoong tatay.”

Hindi rin niya anya totoong nanay si Wen Yi Lin.

“Hindi kayo related? I mean hindi kayo tunay na magkapatid? Hindi kayo biological na magkapatid (ni Alice)?” tanong pa ni Gatchalian, na sinagot namang ng oo ni Shiela.

Sa pagdinig, inamin din ni Shiela na hindi siya sa Pilipinas ipinanganak kundi sa China.

Dumating sa bansa si Shiela noong 2001.

Nauna na ring sinabi ni National Bureau of Investigation Director Jaime Santiago na si Shiela ay Chinese national na may pangalang Zhang Mier.