Senior kinatay ng sinibak na tauhan

TINUTUGIS ng pulisya ang lalaki na pumatay umano sa kanyang dating amo na may-ari ng resort sa Bauan, Batangas noong Linggo ng gabi.

Hindi kinilala ang suspek na nasa likod ng pagpatay kay Carmen Maranan, 63, may-ari ng Maranan Resort sa Brgy. Durungao.

Ayon sa pulisya, wala nang buhay nang matagpuan ang biktima ng mga kaanak noong Lunes ng umaga. Nagtamo ito ng sugat sa ulo at mukha.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumabas na pinukpok ng flower vase sa ulo at mukha ang biktima na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Nang ribesahin ang CCTV footage ng resort ay nakita ang suspek na pumasok sa compound.

“Ang nakita naming motibo dito ay paghihiganti ng suspek matapos sibakin sa trabaho ng biktima ilang buwan na ang nakalipas,” ayon sa imbestigador.

Napag-alaman na bago tinanggal sa trabaho ay madalas awayin ng suspek ang matandang amo.