BILYON-bilyong pisong halaga na dapat ay tutulong sa mahihirap na mag-aaral sa senior high school ang nawala, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.
Ayon sa senador, napunta ang mahigit P7.21 bilyon o 53 porsiyento ng kabuuang P13.69 bilyong alokasyon para sa Senior High School Voucher Program para sa School Year 2021-2022 ang napunta sa mga mag-aaral na hindi naman naikokonsiderang mahirap.
Noong 2019-2020 School year, 39 porsiyento ng P18.76 bilyon o P7.30 bilyon naman ang napunta sa mga mag-aaral na hindi mahihirap, ayon pa kay Gatchalian, chair ng Senate committee on basic education.
“For me, it’s wastage and leakage. We need to correct this immediately,” ayon dito, kasabay nang pagsasabi na isa ito sa kanyang tututukan sa darating na budget hearing.
Unang inilabas ang nasabing programa ng Department of Education noong 2015, isang paraan para mahimok ang mga mag-aaral na ituloy ang pag-aaral hanggang senior high school.