Sara Duterte kay PNP chief: Kaya kong magtrabaho ng walang security

MATINDI ang pinakawalang pahayag ni Vice President Sara Duterte laban kay PNP Chief General Rommel Marbil hinggil sa isyu nang pagkakatanggal sa 75 security personnel na nakatalaga sa bise presidente.

Ayon kay Duterte, walang problema kung alisan siya ng security at kaya niyang magtrabaho ng walang security personnel na nakatutok sa kanya.

Ang hindi anya niya maatim ay ang kasinungalingan na sinasabi umano ng PNP chief.

Narito ang buong pahayag ni Duterte.

“OPEN LETTER TO ROMMEL MARBIL

“Rommel,

“Noong lumabas ang isyu ng pagbabawas ng aking security personnel, nagbigay agad ako ng pahayag na hindi ito makakaapekto sa aking trabaho bilang Ikalawang Pangulo ng Pilipinas. Hangad ko sana na matapos na ang usaping ito dahil hindi hamak na napakaraming mga suliranin ang ating bansa na higit na mahalaga kaysa sa aking proteksyon.

“Subalit tila nakatatlong interview ka na patungkol sa akin. Sa isang banda, naiintindihan ko kayo sapagkat natural lang sa mga nagsisinungaling na magkaroon ng sari-saring kwento at dahilan. Pero hindi ko na maatim ang tuloy-tuloy na panlilinlang sa aking mga kababayan.

“Uulitin ko, wala akong problema sa pagbawi sa mga PNP personnel bilang security team ng Office of the Vice President (OVP).

“Kaya kong magtrabaho ng walang security.

“Ngunit may problema ako sa mga kasinungalingang ipinapahayag sa taumbayan — lalo na kung ang mga kasinungalingang ito ay mula mismo sa pinakamataas na opisyal ng kapulisan.

Iisa-isahin ko:

1. Ang Vice Presidential Protection Division (VPPD) na isinailalim sa PSPG ayon sa utos ng NAPOLCOM ay sadyang ginawa para hindi pakialaman ng mga tulad mo ang security ko at ng mga susunod na Bise Presidente ng bansa. Malinaw ito sa dokumento ng NAPOLCOM at PNP.

2. “He said local police also augment Duterte’s security every time she visits provinces.”

Kaya nga may VPPD para walang hablutan at hindi maabala ang trabaho ng lokal na police.

3. “We requested the Office of the Vice President for a possible pull out of our 75 personnel because we really need our personnel on the ground in the National Capital Region, and they agreed.”

Walang request na nangyari. Sinabihan lamang ng PSPG ang OVP na kukunin nila ang mga personnel. Hindi na kami nakipagtalo dahil ikaw naman ang batas ‘di ba? Kasunod nito ay lumabas na ang Relief Orders sa utos mo. Ito ay base na rin sa dokumento ng PNP.

4. “We don’t see any threat against the Vice President so we need to reduce the people, if they want more, then we will add [it] if they request [it].”

Hindi ba’t mayroong malisyosong pagpapalabas ng video footage noong ako’y nasa NAIA? Kuha sa isang lugar kung saan pawang mga empleyado lamang ng paliparan at piling mga tao ang maaring nandoon. Hindi na baleng ako, ngunit nakuha at naisapubliko rin sa naturang video ang aking asawa at mga menor de edad na anak na naging isang malaking banta sa kanilang seguridad.

Bukod pa rito, kamakailan lang ay nagtungo rin ang mga operatiba ng PNP sa lugar kung saan ako nakatira upang “mag-casing.” Pilit pang inaalam kung nasaan mismo ang bahay na inuupahan ko. Bahay kung saan rin nakatira ang aking mga anak. Kung hindi ito napigilan ng mga nagmagandang loob na opisyal ng homeowners’ association, hindi ko na alam kung ano pa ang maaring mangyari.

Ano ba ang ibig sabihin ng “threat” sa iyo? Ang banta ba ay maaari lamang magmula sa mga external elements? Hindi na ba “threat” kung ang harassment ay nanggagaling mismo sa mga tauhan ng gobyerno?

Isa pa. Sinasabi mong walang threat pero pwedeng mag-request ng dagdag na personnel. Ano ba talaga?

Kung talagang wala kang nakikitang banta laban sakin, bakit nagtira ka pa ng 45 na tauhan ng PNP na ikaw ang pumili?

Tandaan mo, pagdating sa seguridad ng aking pamilya, ako ang magsasabi kung sino ang karapat-dapat, hindi ikaw. Batas ka lang, hindi ka Diyos.

5. “The relief was for police visibility.”

Maganda sana ang hangarin kung totoo, ngunit kaduda-duda na ang 38 sa 75 PNP personnel na pinili ninyong masakop ng relief order ay mga pulis na mula sa Mindanao at ipinapalipat sa National Capital Region (NCR) na para bang hindi kulang ang pulis sa Mindanao.

Simula ng maging Mayor ako ng 2010 nandiyan na ang isyu ng kakulangan ng police. Hindi mo mahahabol ang police to population ratio mo sa pagkuha ng security ko. Ang kailangan ng PNP ay isang Chief na makabago mag-isip, at gagamit ng makabagong teknolohiya, drones, innovations at iba pa, upang mabigyan ng solution ang isyu ng peace and order.

Kung kaya ninyong ilagay sa alanganin ang aking seguridad, nag-aalala ako sa uri ng harassment na kaya ninyong gawin sa karaniwang taumbayan— tulad nalang ng intimidation sa mga ordinaryong mamamayan para sa service ng warrant of arrest para kay Pastor Quiboloy sa Davao City kamakailan.

Ang relief ng mga PNP personnel ay dumating pagkatapos ko mag-resign sa DepEd, pagkatapos ko inihambing ang SONA sa isang catastrophic event, at pagkatapos lumabas ang cocaine video.

Let us spare our people from all the lies. Let us call it what it is — a clear case of political harassment.

Ito ay malinaw, lalo na’t ang saklaw ng relief order ay mga tauhan ng PNP na mayroong “trust and confidence” ko dahil kung hindi sila security ni Pangulong Rodrigo R. Duterte mula pa noong 2016, ay security ko na mula pa noong 2007.

It was obviously a targeted list and a targeted maneuver — nothing else.

Masyado na atang mahaba ang sulat ko. Ang gusto ko lamang ay huwag mo na akong banggitin sa mga pagpapa-interview mo. Unahin na natin ang pagtulong sa mga nabaha, ang pakikiramay sa mga namatayan, ang mga may nakamamatay na sakit na nagdarasal ng dagdag pa na mga araw, pagtutok sa kahirapan at gutom, at marami ang ibang problema ng lipunan.

Para sa bayan,

SARA Z. DUTERTE

PS.

Asahan mo ang sulat sa pagbabalik ng 45 na pulis na pinili mong manatili sa akin dahil hanggang ngayon talamak pa rin ang droga at krimen,

at nanatili ang takot ng mga Pilipino sa mga daan. Sana naman makatulong ito sa trabaho mo.

At laging tandaan — para hindi magkabuhol-buhol ang kwento mo, laging magsasabi ng totoo.”