Sandro ang dumi-dumi na ng tingin sa sarili

TALIWAS sa mga ulat na nakarekober na ang young actor na si Sandro Muhlach sa dinanas umanong pang-aabuso sa kanya, iniulat ng showbiz insider na si Ogie Diaz na hindi pa makatulog nang maayos at tila kinakausap ang sarili tuwing maaalala ang insidente.

Sa latest episode ng kanyang “Showbiz Update” vlog, isiniwalat ni Ogie na ayon sa kampo ni Sandro ay klarong-klaro pa rin sa bata ang mga naganap sa kanya.

“Kahit July 21 ito nangyari, ganoon pa rin daw ang tulog ni Sandro. Nakakadalawang oras lamang daw itong bata kung makatulog. Dahil nga laging bumabalik sa alaala niya ‘yung nangyari na hindi niya kinaya,” kuwento ni Ogie.

Dagdag niya, ang dumi-dumi na raw ng tingin ni Sandro sa sarili.

“Tuwing maliligo daw itong si Sandro lagi niyang naaalala ‘yung nangyari at parang inuusal na lang daw nu’ng bata sa sarili ‘yung ‘Diring-diri ako sa ginawa sa akin. Ang dumi-dumi ng tingin ko sa sarili ko.’ ‘Yun daw ang pakiramdam ng bata,” ayon pa kay Ogie.

Sa nasabing vlog, isinapubliko rin ni Ogie na pinilit umano si Sandro na patikimin ng illegal substance na nagresulta upang siya’y mag-hallucinate.

“So ang nakarating sa atin ay may illegal substance na pilit na pina-try kay Sandro. Ayaw ng bata kaya lang nakorner ‘yung bata. So nagkaroon ng parang hallucination ‘yung bata, according sa kuwentong nakarating sa atin. Na-violate ‘yung kanyang pagkalalaki,” kuwento pa niya.

Nitong Biyernes, Agosto 2, ay pormal nang inasunto ni Sandro sa National Bureau of Investigation ang mga independent contractors ng GMA network na sina Richard Dode Cruz at Jojo Nones.