SINAGOT ng Department of Education (DepEd) ang obserbasyon ng publiko kaugnay sa pagdami ng mga estudyanteng nakakatanggap ng awards.
Reklamo ng isang netizen, sandamakmak na estudyante ang nabigyan ng medalya gayong kulelat naman sa Program for International Student Assessment o PISA.
“It’s graduation season. Pero bakit parang lahat ng mga bata may honor at awards? Sorry hindi naman sa hindi masaya para sa kanila, pero naalala ko lang ang hirap mag-honor dati at pag may honor ka parang nakakabilib talaga. Musta naman yun 2/3 ng class may honor? Tapos kulelat tayo sa PISA?” sey ng netizen sa Facebook post.
Paliwanag ni DepEd Assistant Secretary Francis Bringas, magkaiba ang parameters na ginagamit sa PISA at sa pagbibigay ng awards sa mga mag-aaral.
“Iba naman ang parameters na ginagamit ng PISA when it comes to determining the scores of the countries. Iba rin naman ang parameters ang ginagamit natin for the awards and recognition sa schools based on achievements. So, hindi natin pwede i-compare iyong results ng ating classroom performances with that of international large-scale assessments,” ani Bringas.
Sa kasalukuyang grading system ng DepEd, nakabatay ang mga awards sa general weighted average (GWA), pagkaklaro ng opisyal.
Aniya, ang mga estudyanteng nagkaroon ng kabuuang gradong 90 to 94 ay otomatikong “with honors.” Kapag 95 to 97, “with high honor” at kapag nakakuha ng 98 to 100, “with highest honor” naman.
Matatandaan na simula ng implementasyon ng K to 12 program, tinanggal na ang mga titulong “valedictorian,” “salutatorian,” at “honorable mentions.”
Sa pamamagitan umano nito, ani Bringas, maiiwasan ang kompetisyon sa pagitan ng mga estudyante. (VP)