San Juan mayor pinuri babaeng pumalag kay Jinggoy Estrada

IPINAGMALAKI ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang isang tauhan ng siyudad na hindi nagpasindak kay Sen. Jinggoy Estrada.

“Si Ms. Pia Gil, isang San Juaneñong may tunay na paninindigan at prinsipyo! Siya ang pinakamatapang na babae na nakilala ko sa buhay ko at hindi nagpapatinag kahit kanino lalong lalo na kung alam niyang siya ay nasa tama! Mabuhay ka Pia!” ani Zamora.

Matatandaang hinarap ni Estrada si Gil dahil hindi umano pinayagan ang mga tauhan ng senador na ianunsyo na mayroon itong ayuda sa mga nasunugan sa siyudad at pansamantalang nanunuluyan sa isang basketball court.

Sa video ng nasabing kumprontasyon, sinupalpal ni Gil si Estrada.

“Huwag mo ‘kong hino-hoy…porke senador kayo…huwag kayong bastos, makipag-usap kayo nang maayos. Hindi porke ganyan kayo nasa taas kayo ganyan kayo,” sambit ni Gil.

Makaraang mangatwiran ni Gil ay tumalikod at naglakad palayo si Estrada pero maririnig sa video na nagwika ito ng “Kung lalaki ka lang, nasapak na kita e.”