MATAPOS masibak sa mas mataas na pwesto noong Mayo, tuluyan nang sinibak si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang pwesto bilang deputy speaker sa Kamara.
Ito ay matapos na hindi siya pumirma sa House Resolution No. 1414, na inaprubahan ng committee of the whole na nagpapahayag ng suporta kay Speaker Martin Romualdez, at upang pangalagaan ang integridad ng kapulungan.
Ang resolusyon ay tugon ng Kamara sa naging pahayag ng dating Pangulong Duterte na “most rotten institusyon”.
Matatandaan na tinanggal din si Arroyo noong Mayo bilang senior deputy speaker at dinemote bilang deputy speaker dahil sa diumano’y gustong agawin ang speakership kay Romualdez.
Sa isang kalatas, sinabi ni House Majority Leader Rep. Manuel Jose Dalipe na collective decision ang ginawang pagsibak sa dating pangulo.
“This particular resolution was of paramount importance, as it manifested the collective intention of the House leadership to rise in unison in defense of the institution,” ayon dito.
“This resolution was a response to certain quarters that have recently levied criticisms and scurrilous attacks against the House and its leadership.”
Pinalitan si Arroyo ni Isabela Rep. Antonio Albano.
Samantala, sinibak din sa pwesto si deputy speaker at Davao City Rep. Isidro Ungab na isang kaalyado ni Duterte.
Pinalitan siya ni Lanao del Sur Rep. Yasser Balindong.