KASABAY ng pagtatapos ng FPJ’s Ang Probinsyano, ang teleserye na tinutukan hindi lamang ng mga fans ng hari ng pelikulang Filipino na si Fernando Poe Jr. kundi ng maraming mamamayan sa loob ng pitong taon, nagpahayag ng pasasalamat si Senador Grace Poe.
Si Poe ang anak ni FPJ sa batikang aktres na si Susan Roces na naging isa sa mga pangunahing tauhan ng teleserye, at kamakailan lang ay sumakabilang-buhay.
Sa isang Instagram post ng Dreamscape Entertainment, naglabas ito ng video ng senadora na nagpapahayag ng kanyang pasasalamat sa lahat ng tumangkilik sa pitong taon na pag-ere ng FPJ’s Ang Probinsyano.
“Sa lahat po ng nagmahal sa legasiya ng aking mga magulang na sina FPJ at Susan Roces, tanggapin niyo po ang aking taos-pusong pasasalamat sa inyong pagtangkilik sa FPJ’s Ang Probinsyano sa loob ng pitong taon,” ayon sa senador.
Ang “Ang Probinsyano” ay hango sa pelikula ni Da King na ipinalabas noong 1997.
Ginampanan ni Roces ang papel na Lola Flora, ang lola ng bidang karakter na si Cardo Dalisay na ginagampanan naman ng aktor na si Coco Martin.
Narito ang naging pahayag pa ng senador: “Nais ko rin pong magpasalamat sa buong cast at crew at sa Kapamilya network na pinangungunahan ni Cardo na si Coco Martin.
“Sa inyong paggawa ng isang dekalidad na programa na nagbigay ng pag-asa, inspirasyon, at kaligayahan sa ating mga kababayan.
“Alam ko na si Coco ay hindi lamang gumanap kung hindi siya rin ay nagsulat at nagdirek ng teleseryeng ito,” anya pa.