TINAASAN ng kilay ng netizens ang pagbibigay ng trabaho ni Rosmar Tan kay Jiro Manio dahil ginagamit lamang umano ng social personality at brand owner ang pagtulong sa dating child star para matakpan ang kinasangkutan niyang gulo sa Coron, Palawan kamakailan.
Nitong Huwebes ay inilabas ni Rosmar sa kanyang social media account ang convo nila ni Jiro na nag-aapply sa kanya ng trabaho.
Mababasa sa screen shot ng kanilang convo na sinabi ng dating child actor na matagal na niyang tinalikuran ang mga bisyo at nais lamang niyang magtrabaho para may maipangtustos sa pangangailangan ng anak.
“Gusto ko talaga magtrabaho. Alam ko po wala ng naniniwala sa akin. Ang dami ko nilapitan para magkatrabaho pero lagi nila sinasabi baka maging dahilan ng ako ng gulo. Nakakababa po at nakakapanghina ng loob. Yung isang beses ka nagkamali at pinagbayaran mo na paulit ulit isisumbat at ipapamukha sayo. Naaalala nila ang isang pagkakamali mo pero yung magagandang ginawa mo at tinulong mo kahit isa wala sila naalala,” ani Jiro kay Rosmar.
Inalok naman ni Rosmar si Jiro na maging waiter sa kanyang pares restaurant sa Laguna.
Hindi naman inasahan ni Rosmar ang naging opinyon ng publiko sa nasabing post kaya agad niya itong binura.
Imbes na kabiliban ng netizens, pamba-bash ang inabot ng brand CEO.
“Ayan na gagamit ng kilala tapos nakabroadcast ang pagtulong para matabunan ang issue.”
“Hindi mo pa nabibigyan ng trabaho, pinost mo na. Sa kabilang buhay, wag ka ng magulat kung wala kang gantimpalang matanggap sa Diyos dahil nakamit mo na yun sa mundong ito. Iyon ay ang kasikatan mo bilang matulungin habang tumutulong sa tao.”
“Inipon na ng tao ang lahat ng lakas ng loob at nilabanan ang hiya para makahingi ng tulong tapos ipo-post mo pa. Hindi niya kayang lumugar sa estado ng taong tinutulungan niya este pinapakinabangan niya. Nakakalungkot. NAPAKA-KSP.”
“Pasikat tlg 2ng c ROSMAR pati b nmn ung Convo nila I post or ibahagi pa sa publiko.”
“Kaya nga nag pm yung tao para naman di sya sobrang down na down. Tapos brinoadcast . Tsk ! Di na tinirhan ng konting digidad.”
Matatandaan na idineklarang persona non grata ng Palawan sina Rosmar Tan at Rendon Labador makaraan ang umano’y pambu-bully nila sa isang kawani ng lokal na pamahalaan ng Coron.