ETSAPWERA na si dating Executive Secretary Salvador Medialdea at dating Presidential Spokesperson Harry Roque sa legal team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ngayon ay nahaharap sa multiple na kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).
Ito ay ayon mismo kay Vice President Sara Duterte sa panayam sa mga reporters nang bisitahin ang ama sa detention facility sa The Hague.
Ayon kay Sara, magwi-withdraw na si Medialdea dahil ang kailangan ng team na magdedepensa sa ama ay merong “ICC experience”.
“Unang-una, his team is headed by Atty. Nicholas Kaufman, and then … meron pa akong mga kakausapin na mga lawyers ‘no. Meron pang darating na isang abugado, i-interview ko siya para sumali sa team. And then, once maayos na yung team for ICC, magwi-withdraw si Atty. Medialdea kasi meron lang limited na mga slots for lawyers, and we want all the lawyers on board na merong ICC experience,” ayon kay Sara.
Matatandaan na si Medialdea ang unang nag-apir para kay Duterte sa ICC pre-trial chamber noong Marso 14.
Si Kaufman, isang British-Israeli lawyer, ang siyang magiging lead counsel.
Samantala, hindi na rin kukunin ni Sara si Roque bilang bahagi ng legal team dahil ayaw nilang magkaroon ng “complications” sa kaso lalo pa’t nag-request na asylum si Roque sa The Netherlands.
“Hindi pa kasi na-establish kung ano yung basis ng pag-stay niya dito sa Netherlands and we don’t want complications ba,” pahayag ni Sara.
“Gusto namin nakatutok talaga yung lawyers doon sa kaso and right now he’s, I heard, applying for asylum? He publicly announced that already, so we want him to focus on his asylum and then we want our lawyers to focus on the case,” dagdag pa nito.